ONDOY TRIVIA SA FUN RUN
ALAM ba ninyo kung hanggang saan umabot ang bahang dulot ng bagyong Ondoy noong 2009?
Alam ba ninyo kung ano ang naging itsura ng Marikina River habang rumaragasa ang baha rito?
Malalaman ang mga hindi malilimutang trivia ng karanasan mula sa Ondoy sa darating na Setyembre 20, ang itinakdang araw para sa Takbo para sa Marikina Watershed sa Youth Camp, Marikina River Park.
Magsisimula ganap na 6:00 ng umaga, sa advocacy run na ito ay madaraanan ng mga kalahok mula starting line hanggang finish line ang iba’t ibang exhibit ng mga larawan na kinunan noong panahon ng pananalasa ng Bagyong Ondoy sa lungsod.
Bukod dito ay may madaraanan ding putol na kahoy kung saan may makikitang dahon na iba’t ibang kulay kung saan nakasulat ang mga pangako tulad ng “I will not Litter”, “I will segregate”, “I will recycle”, at “I will plant a tree.”
Ang mga kalahok ay maaaring kumuha ng isang dahon na kanilang ididikit o ilalagay sa isang patay na puno upang magkaroon ito ng mga dahon na sumisimbolo sa muling pagbuhay ng puno at bagong pag-asa.
“Dahil sa Ondoy at habagat, marami sa atin ang binaha at patuloy na nakararamdam ng takot kapag umuulan.
“Hindi tayo dapat mabuhay sa takot at pangamba bagkus ay kumilos nang sama-sama tungo sa matagumpay na solusyon sa baha – ang pagpapayabong sa Marikina Watershed.
“Bukod dito, malaking tulong din ang hindi pagkakalat, paghihiwalay ng basura, muling paggamit ng mga recyclable items, at pagtatanim ng puno,” wika ni Marikina Mayor Del de Guzman.
Ang proceeds ng advocacy run na ito ng Rotary Club of District 3800 ay mapupunta sa pagtatanim ng puno at pangangalaga sa Marikina Watershed sa ilalim ng Marikina Watershed Green Foundation, Inc.
Para sa mga nais makiisa at lumahok, maaaring magpatala sa mga registration sites na matatagpuan sa Marikina Sports Center at Marikina City Hall (Community Relations Office at Office of the Mayor).
Maaari ring magpatala sa registration booth sa SM Marikina, SM San Mateo, SM Masinag, CMP Mall at Sta. Lucia East Grand Mall simula Setyembre 1.
Ang Takbo para sa Marikina Watershed ay may kategoryang 3K, 5K at 10K sa halagang PhP600 na registration fee.
Ito ay sinusuportahan ng BDO Foundation, Armscor, Philippine Business for Social Progress (PBSP), PDRF, Coats Manila Bay, Smart, Manila Water, San Miguel Beer, Ortigas & Co., One Meralco Foundation, Mr. Danny Chua ng Rotary Club of Marikina West, Rapid City Realty and Development Corporation, PLDT at Mr. Roger Py. ABISO/PAUL EDWARD P. SISON