‘Takbo para sa Marikina Watershed’ tagumpay
Naging matagumpay ang isinagawang Takbo para sa Marikina Watershed kahapon na nag-umpisa at nagtapos sa Marikina River Park sa Marikina City.
Laking pasalamat naman ni Marikina Mayor Del De Guzman sa mahigit 3,000 mananakbo na lumahok at sa mga nag-donate sa advocacy run na ito dahil aniya, malaking tulong ito sa pagtatanim ng mga punongkahoy sa naturang watershed.
“Maraming salamat sa iyong lahat. Ang inyong tulong, maging maliit man o malaki, ay bumubuhay sa pag-asa ng Marikina na muling maisasaayos ang ating watershed na kailangang tamnan ng 28 milyong puno upang maging epektibong ‘first line of defense’ laban sa mapaminsalang baha,” wika ni De Guzman.
Nanalo sa 10K race sina Michael Busitu (32:13) at Emily Nillyguin (48:22); nagwagi sa 5K race sina Ike Jomao-As (19:27) at April Quiabao (26:23); habang kinuha nina Vincent Nicoyco (11:54) at Pamela Mae Marcelo (15:16) ang kampeonato sa 3K category.
Pinarangalan din ang 78-anyos na si Honorato Ednilag Jr. bilang pinakamatandang runner at ang 8-anyos na si Jhonrey Romero bilang pinakabata.
Ang patakbong ito ay itinataguyod ng pamahalaang lungsod ng Marikina katuwang ang Rotary Club of District 3800. Ang pondong nalikom ay mapupunta sa Marikina Watershed Green Foundation, Inc. na siyang naatasang mangalaga sa naturang watershed.
Ito ay sinusuportahan din ng BDO Foundation, Armscor, Philippine Business for Social Progress (PBSP), PDRF, Coats Manila Bay, Smart, Manila Water, San Miguel Beer, Ortigas & Co., One Meralco Foundation, Mr. Danny Chua ng Rotary Club of Marikina West, Rapid City Realty and Development Corporation, PLDT, at Mr. Roger Py. Kabilang naman sa mga donors ang Rizal Metro Lions Club, Uratex, Philexport, Marikina Valley Host Lions Club, Security Bank, Deloitte, Asalus/Intellicare, Motolite, Cresto at ALC.
Samantala, ang aktres at modelong si Angel Aquino, na isa ring Marikenya, ay nagpahayag ng kanyang suporta sa pamamagitan ng pledge para sa P5,000 kada buwan sa adopt-a-caretaker program para sa Marikina Watershed.